Sulong Katribu! Sulong Mamamayan!
Palawakin ang pagkakaisa at suporta para sa patuloy na pakikibaka ng mga katutubong mamamayan
Isang reaksyon at mensahe ng paghamon sa muling pagbubuo ng Solidarity Action Group for Indigenous Peoples and Peasants (SAGIPP) | 24 August 2015
Lilalay lilalay lilalay la ella ellalay
Gawis ay agew ken datako am-in! Isang magandang araw sa ating lahat.
Ako po si Piya, isang katutubong Botok-Igorot mula sa Cordillera, partikular sa Bontoc, Mt. Province, at kasalukuyang Pangkalahatang Kalihim ng Katribu Kalipunan ng Katutubong Mamamayan ng Pilipinas.
Kapag pinaguusapan natin ang mga katutubo, nasasabi nating natatangi ang mga ito dahil sa dalawang bagay. Una, napanatili ng mga katutubo bilang mga pamayanan ang kanilang mga sistemang pangekonomiya, politika, panlipunan at pangkultura. Ikalawa, at ito ang isa sa pinakamahalaga, napanatili at napaunlad pa nila ang mga sistemang ito dahil sa kanilang patuloy na pagdepensa sa kanilang lupa at komunidad, at pakikibaka. Dito nakaugat ang sinasabing kolektibong karapatan ng mga katutubong mamamayan sa lupang ninuno at sariling pagpapasya – karapatan na magamit ang lupa at mga rekurso, at mapagpatuloy ang mga sistema nila bilang mga pamayanan.
May 12 milyon na mga katutubo sa ating bansa, 11-14% ito ng kabuuang populasyon ng ating bansa. Animnapung porsyento (60%) ng mga katutubo ang andito sa Mindanao. Gayundin, kalahati ng natitirang rekurso at yaman ng ating bansa ay matatagpuan sa kalupaan ng Mindanao, at malaking bahagi nito ay nasa lupain ng mga lumad. Kaya naman narito din ang mga pinakamalalaking orperasyon at ang mainit ang interes ng mga korporasyon ng pagmimina, plantasyon, enerhiya, dam, logging, economic zones at iba pa. Dagdag pa, kung 60% ng katutubo ay nasa Mindanao, mahigit 50% naman ng AFP ay nasa Mindanao din, at malaking bahagi ng mga tropang ito nasa lupain ng mga lumad. At mula sa mga testimonya, at pagbabahagi ng kalagayan ng mga katutubo, narinig at nakita niyo na ang epekto ng mga ito sa katawhang lumad.
Mahalaga ang pagtitipon na ito dhail sa inyo, dahil andito kayo para suportahan ang aming patuloy na pakikibaka para sa lupang ninuno, karapatan, at dignidad bilang mga katutubo, para sa kasalukuyan at sa mga susunod pang henerasyon.
Tulad ng sinabi na ng mga bai, datu, at kahit ng mga sumusunod pa, hindi kami kontrolado. Alam namin at ang amin at malinaw sa amin ang aming gusto at naming patutunguhan.
Sa paglawak ng aming pagkakaisa, lumalawak at dumadami din ang mga sumusuporta. Pero lumalaki din, at nagiging mas mapanlinlang at mabagsik ang mga kaaway. Kaya kailangan palakasin pa ang pagkakaisa, ng mga katutubo, at kailangang palawakin pa ang pakikiisa at suporta ng mga suportang grupo at indibidwal. Nananatiling mahalaga ang magiging papel ng SAGIPP ngayon, higit kailan pa man.
Ano ang mga kinakailangan? Mga inidibidwal, propesyonal, mga tao sa academiya at simbahan. Kailangan ng mga indibidwal, ngunit mas kailangan ang organisadong mga indibidwal, kaya nariyan ang tulad ng SAGIPP.
Kailangan mahing bahagi ng mga dayalogo at impluwensyahan ang mga susing tao at insitusyon, ang LGU, ang Mayor, mga simbahan, paaralan at unibersidad.
Kailangan ang paglahok sa mga solidarity missions – medical mission, fact finding mission, pagsasadokumento at kahit ang paguulat ng mga kaso ng paglabag sa mga karapatan ng mga katutubo.
Kailangan ang mga teknikal, logistics, pampinansya, at iba pang mga suporta para sa rekurso, kasama na dito ang mga santuaryo, pasilidad sa mga pagpupulong at mga aktibidad, bigas, balde, kaldero, paaralan, at mga supplies.
Kailangan ang pagsuporta sa mga kampanya ng mga katutubo. Kasama na dito ang pagsama sa mga rally, barikada, pagkalap ng mga pirma at petisyon, pagsasagawa ng mga talakayan at iba pang pagbabahagi ng kalagayan at pakikibaka ng mga katutubo, at kahit ang suporta para sa kampanyang elektoral. Malapit na din ang Pambansang Halalan sa 2016, at mahalaga din talaga ang pagkakaroon ng mga tunay at tapat na mga kinatawan ng katutubo sa kongreso, at kahit pa sa senado. Kailangan ang pagsuporta sa pagpaparehistro ng mga botante, pagkakaroon ng voters’ education, at kahit ang mismong kapanya para sa SULONG KATRIBU na partylist namin sa Katribu.
Malaki ang ating kinakaharap, malayo na din ang ating naabot sa paglalakbay na ito, at madami pa tayong kakamtin.
Lilalay lilalay lilalay la ella ellalay
Lumad ug katawahan
Magkahiusa kitang tanan
Panalipdad ang atong yuta, kinabuhi, ug katungod
Lilalay lilalay lilalay la ella ellalay
Salamat.
No comments:
Post a Comment